PNP, tumutulong na rin sa paghahanap ng Kamara kay Atty. Harry Roque

Tumutulong na rin ang Philippine National Police (PNP) sa paghahanap kay dating presidential spokesperson Atty. Harry Roque para maisilbi ang arrest order ng House of Representatives.

Ayon kay Santa Rosa City Representative Dan Fernandez, co-chairman ng House Quad Committee, nakikipagtulungan ang Kamara sa National Capital Region Police Office (NCRPO) at sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) para sa pagtugis kay Roque.

Noong Biyernes ay pinuntahan ng mga otoridad ang law firm ni Roque sa Antel Corporation Centre sa Makati City upang isilbi ang arrest warrant subalit hindi ito tinanggap ng kaniyang staff at wala rin sa lugar si Roque.


Si Roque ay na-cite in contempt ng Kamara makaraang hindi ito dumalo sa nagdaang pagdinig ng quad committee.

Nagmatigas din si Roque na hindi isusumite ang mga dokumento na kinabibilangan ng kopya ng kaniyang mga Statements of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN), rekord ng Biancham Holdings, na pagmamay-ari ng kaniyang pamilya at ang mga patunay ng bentahan ng ari-arian sa Parañaque City na kano yang sinabi na pinanggalingan ng biglaang paglobo ng kaniyang yaman.

Hinikayat naman ni quad committee overall chairman at Surigao del Norte Representative Robert Ace Barbers ang publiko na tumulong sa paghahanap kay Roque na sinasabing may kaugnayan sa iligal na Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).

Facebook Comments