Hindi lamang sa pagsasagawa ng search and rescue operations nakaalalay ang Philippine National Police.
Ayon kay PNP PIO Chief PCol. Jean Fajardo maging sa clearing operations ng mga bumagsak na malalaking puno ay tumutulong na rin ang Pambansang Pulisya.
Ani Fajardo, maging sa paglilinis ng putik ay andon ang Pulisya.
Paliwanag nito, matapos kasi ang baha bumungad naman ang mga makakapal na putik kung kaya’t kaisa ng DPWH at MMDA ang PNP sa paglilinis nito.
Lalo na aniya may kautusan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na agad ipaabot ang tulong sa ating mga kababayang apektado ng Bagyong Carina at habagat.
Nabatid na simula nang humagupit ang Bagyong Carina nakapagsagawa na ang PNP ng 345 search and rescue operations kung saan nasa 10,437 mga indibidwal ang kanilang nailigtas mula sa malawakang pagbaha dulot ng walang tigil na pag-ulan.