Tutulong na rin ang Philippine National Police (PNP) sa Department of Trade and Industry (DTI) sa pagpapatupad ng tamang presyo sa mga lugar na naapektuhan ng Bagyong Rolly.
Ito’y upang masiguro na nasa tama ang presyo ng mga pangunahing bilihin at iba pang importanteng produkto sa mga lugar na isasailalim ‘state of calamity’ sanhi nang pananalasa ng bagyo.
Ayon kay PNP Chief Police General Camilo Cascolan, sa ilalim ng Republic Act 7581 o the Price Act of the Philippines, otomatiko ang pagkakaroon ng kontrol sa presyo ng bilihin sa mga lugar na naapektuhan ng kalamidad sa loob nang hindi hihigit sa 60 araw.
Tiniyak rin ni Cascolan na ang mga unit ng PNP na lubhang napinsala ng bagyong Rolly ay bibigyan ng kaukulang ayuda ng National Headquarters sa Camp Crame, Quezon City upang muli silang makabalik sa trabaho at operasyon.
Nananatili pa rin sa full alert status ang PNP kaugnay naman sa Tropical Storm Siony na nakapasok na sa Philippine Area of Responsibility (PAR).
Inatasan na ng opisyal ang lahat ng commander ng pulisya na makipag ugnayan sa local government units (LGUs) at local offices ng Office of Civil Defense (OCD) para sa tulong na kanilang kakailanganin upang masiguro ang kaligtasan ng publiko.
Sinabi pa ni Cascolan na handa na rin ang mga trucks ng PNP para i-deploy sa Libreng Sakay Program upang agad na maihatid ang naistranded na residente pabalik sa kanilang mga tahanan.