PNP, tutulong sa pag-iimbestiga para matukoy ang nasa likod ng mga miyembro ng Kadamay na umokupa ng pabahay sa Pandi Bulacan

Manila, Philippines – Nakahanda ang Philippine National Police (PNP) na tumulong sa National Housing Authority (NHA) kung hihilingin nito na imbestigahan ang mga nag-udyok sa mga miyembro ng Kadamay na ukupahin ang ilang bakanteng pabahay ng gobyerno para sa mga pulis at militar.

 

Sa press briefing sa Camp Crame, sinabi ni PNP spokesperson PSSupt. Dionardo Carlos, na ipinauubaya na nila sa NHA ang pag-iimbestiga dito.

 

Sa ngayon titiyakin aniya ng PNP na tutulungan  nila ang NHA para hindi na maulit ang ginawang pag-ukupa ng Kadamay sa ilang nakatiwangwang na pabahay ng gobyerno sa Pandi Village Bulacan.

 

Binabantayan na rin daw ngayon ng PNP para hindi magkagulo at hindi magkasakitan ang mga Kadamay at mga lehitimong may-ari ng housing project ng gobyerno.

 

Sa huli suhestyon ng PNP na sumunod sa tamang proseso ang sinumang nagnanais na mabigyan ng pabahay mula sa gobyerno at huwag basta na lamang mag-ukupa ng mga bakanteng bahay.

 

Paliwanag ni Carlos na maging sila at ang militar ay sumusunod rin sa tamang proseso bago pa man maibigay sa kanila ang kanilang libreng pabahay.



Facebook Comments