PNP, umaapela sa publiko na ipagbigay-alam sa mga awtoridad kung may nalalamang impormasyon sa nangyaring pananambang sa mamamahayag na si Percy Lapid

Nananawagan si Philippine National Police (PNP) Chief Police General Rodolfo Azurin Jr., sa publiko na kung may nalalaman silang impormasyon hinggil sa pananambang sa radio commentator ng DWBL na si Percival Mabasa o mas kilala bilang Percy Lapid ay ipagbigay-alam agad ito sa mga awtoridad.

 

Ayon kay Azurin, mas magiging madali kasi ang pagresolba at pagkamit sa hustisya kung magtutulungan ang sibilyan at mga awtoridad.

 

Sa ngayon ani Azurin, inatasan na niya si Southern Police District Director Police Colonel Kirby John Brion Kraft na himayin ang mga dinaanan ni Mabasa upang matukoy ang mga posibleng salarin.


 

Nakikipag-ugnayan na rin aniya sila sa supervisor ng subdibisyon sa Las Piñas City kung saan tinambangan si Mabasa upang makakuha ng kopya ng CCTV footages.

 

Matatandaang bumuo na ang Las Piñas City police ng isang Special Investigation Task Force para tutukan ang pagpatay kay Lapid.

 

Si Lapid ay tinambangan ng hindi pa nakikilalang mga salarin sa bahagi ng Brgy. Talon Dos, Las Piñas City, Lunes ng gabi.

Facebook Comments