Umaasa ang Philippine National Police (PNP) na hindi magiging madugo at mas magiging makatao ang giyera kontra ilegal na droga sa susunod na taon.
Titiyakin ni PNP Chief, Director General Oscar Albayalde na isusulong ang war on drugs na may reporma upang maiwasan ang anumang abuso.
Ayon kay Albayalde – ang maigting na crackdown sa narcotics na magpapatuloy pero naayon sa batas.
Ukol sa sinasabing reporma, tinukoy ni PNP Spokesperson, Chief Supt. Benigno Durana Jr. na kabilang sa mga ito ay ang procurement ng mga body camera para matiyak ang transparency sa law enforcement operations.
Sinabi rin ni Durana na bukas ang PNP sa anumang suhenstyon para sa improvement ng anti-illegal drugs operations.
Sa datos ng PNP, mula 109 na drug personalities na namamatay kada linggo mula nang ikasa ang drug war nitong 2016 ay bumaba na lamang sa 29 hanggang 39 ang naitatalang patay bawat linggo.
Base sa pinakahuling datos ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) nasa kabuoang 5,050 na drug personalities na ang namatay sa ilalim ng war on drugs.