Nagpahayag ng pakikiisa ang Philippine National Police (PNP) sa paggunita ng buong bansa sa Undas.
Sa statement na inilabas ni PNP Chief General Rodolfo Azurin, nakikiisa sila sa pananampalataya at paggunita sa mga mahal sa buhay na namayapa.
Hiling ni Azurin sa publiko ngayong All Saints’ Day at All Souls’ Day ay isama sa panalangin ang mga yumaong kapatid sa uniformed services partikular ang mga pulis at sundalong nasawi at inialay ang buhay para sa bansa.
Samantala, para sa mapayapang paggunita ng Undas ay nananatiling naka-duty ang 192,000 PNP personnel para sa pagtiyak ng kapayapaan at makabuluhang obserbasyon ng Undas ngayong taon.
Nagpaalala rin si Azurin sa publiko na mahigpit na sumunod sa mga batas at lokal na ordinansa tulad ng mga bagay na ipinagbabawal dalhin sa sementeryo.