Nakikiusap ang Philippine National Police (PNP) sa sinumang nakakaalam nang kinaroroonan o anumang impormasyon sa mga nasa likod ng pagpatay ng broadcaster na si Juan Jumalon alyas Johnny Walker na agad na makipag-ugnayan sa mga awtoridad.
Ayon kay PNP Chief PGen. Benjamin Acorda Jr., tiyak na bibilis ang imbestigasyon ng pulisya kung makikiisa at tutulong ang publiko.
Tiniyak naman nito na mananatiling confidential ang kanilang pagkakakilanlan at maaari ding bigyan ng seguridad kung kinakailangan.
Sa ngayon, tuloy-tuloy ang pagkalap ng mga ebidensya ng binuong special investigation task group ng Police Regional Office 10 kung saan kanilang kinukuhanan ng salaysay ang mga nakakita sa krimen, mga naulilang pamilya, kaanak at mga kaibigan nito.
Mayroon na ring P100,000 reward ang ibibigay sa sinumang makapagtuturo sa mga pumatay sa nasabing radio broadcaster.
Sa naunang pahayag ng asawa ng biktima na si Jerrebel Jumalon, tatlo umano ang suspek sa krimen kung saan ang dalawa ay pumasok sa kanilang tahanan habang ang isa ay nagsilbing lookout at driver ng motorsiklo.
Inilabas na rin ng Misamis Occidental Police ang computerized facial composite ng isa sa mga suspek.