PNP, wala pa umanong naitalang bagong POGO-related crimes

Iginiit ng Philippine National Police (PNP) na walang naitalang Philippine Offshore Gaming Operators o POGO-related crimes mula sa huling pagdinig ng Senado noong September 15.

Matatandaang nabusisi ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs ang mga magkakasunod na kidnapping at abduction kung saan ilan dito ay may kinalaman sa POGO.

Sa joint hearing ng Senate Committees on Ways and Means at Public Order, sinabi ni National Capital Region Police Office (NCRPO) acting Regional Director PBGen. Jonnel Estomo sa pagtatanong ni Senator Ronald dela Rosa, mas pinaigting pa nila ang police visibility at mula sa huling imbestigasyon ng Senado noong Setyembre ay wala nang naitalang krimen kaugnay sa POGO sa NCR, Region 3 at Region 4A.


Para sa opisyal, mistulang may nananabotahe sa PNP dahil ang mga kidnapping ay nangyari noong July pa at hindi naman nitong kailan lang.

Para kay Estomo, kaya ng PNP na solusyunan ang anumang krimen hindi lang ang kidnapping sa Metro Manila.

Nang tanungin ni Senator Sherwin Gatchalian kung anong sa palagay ng PNP kung itutuloy pa ba ang POGO, tugon ni Estomo, mas gusto niyang ipagpatuloy dahil nakatutulong sa bansa at maraming mga Pilipino ang kahit papano’y nabibigyan ng trabaho.

Facebook Comments