PNP, wala pang impormasyon sa posibleng kinaroroonan ni Sen. Bato Dela Rosa

Kasabay ng ginanap na seremonya sa Kampo Krame ngayong araw ay sinabi ni Acting Philippine National Police Chief Police Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., na wala pa silang impormasyon sa posibleng kinaroroonan ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa.

Dagdag pa ni Nartatez na wala rin silang natatanggap na koordinasyon sa kinauukulan patungkol sa warrant of arrest laban kay Senador Bato.

Matatandaan na sinabi ni dating Presidential Spokesperson Harry Roque na meron nang inisyu ang International Criminal Court (ICC) na warrant laban sa Senador.

Habang nauna na rin itong sinabi ni Justice Secretary noon at ngayon ay Ombudsman Jesus Crispin Remulla na may natanggap itong kopya ng warrant ngunit hindi pa ito napapasa at kamakailan lang ay sinabi rin nito na nasa Pampanga ang nasabing Senador.

Tiniyak naman ni Nartatez na nakahanda ang buong hanay ng PNP para sa agarang pagpapatupad ng pag-aresto sakaling meron na itong kaukulang dokumento.

Facebook Comments