PNP wala pang makuhang ebidensya sa Jolo Cathedral bombing

Hanggang sa ngayon hindi pa rin matukoy ng Philippine National Police (PNP) kung anong uri ng bomba ang ginamit sa pagpapasabog sa Jolo Sulu Cathedral kahapon na ikinasawi ng 20 indibdiwal at pagkasugat ng mahigit isang 100 iba pa.

Ayon kay PNP Chief Police Director General Oscar Albayalde, inaalam pa nila ngayon ang ginamit na substance sa improvised explosive device (IED) dahil wala silang marekober na parts ng bombang pinasabog sa area.

Sa pamamagitan aniya kasi ng pagtukoy sa uri ng bombang pinasabog malalaman kung ano grupo ang may gawa nito dahil sa tinatawag na “signature”.


Naniniwala rin si Albayalde na cellphone detonated ang pagpapasabog dahil sa timing ng magkasunod na pagsabog.

8:58 ng umaga kahapon aniya ang unang pagsabog at labing limang segundo lang ang nakakalipas ay muling nagkaroon ng pagsabog na patunay na electronically detonated ang pagpapasabog ng bomba.

Blangko pa rin ang PNP sa kung sino ang mga suspek pero may mga threat groups na aniya silang pinaghihinalang may gawa sa pagpapasabog.

Naka-lock down na aniya ngayon sa buong Jolo Sulu upang makontrol ang galaw ng lahat ng tao sa syudad.

Facebook Comments