Walang huhulihin ang Philippine National Police (PNP) sa mga mahuhuling lumabag sa “No vax, No ride” Policy.
Paglilinaw ito ni PNP Spokesperson Police Col. Roderick Augustus Alba kaugnay sa ikalawang araw ng pagpapatupad ng nasabing polisiya.
Ayon kay Col. Alba, wala pang inaresto ang PNP mula kahapon sa kabila ng pinalawak na presensya ng mga pulis sa mga lansangan para ipatupad ang pagbabawal sa mga pampublikong sasakyan ng mga hindi bakunado.
Ang pag-aresto aniya ay gagawin lang kung may partikular na paglabag sa batas ang mga offender.
Ang guidance aniya ng PNP sa mga pulis na tumutulong sa mga tauhan ng Department of Transportation (DOTr) at Land Transportation and Franchising Regulatory Board (LTFRB) ay huwag lang pasakayin ang mga commuter na walang maipakitang proof of vaccination.
Pero pinapayagan din tumuloy sa kanilang biyahe ang mga hindi bakunado na may valid reason katulad ng kondisyong medikal o kung sila ay mag-a-avail ng essential goods and services.