Manila, Philippines – Wala pang hawak na impormasyon ang Philippine National Police (PNP) tungkol sa pagkakaaresto ng mga tauhan ng NBI Cybercrime Division kay alyas ‘Bikoy.’
Ayon kay PNP Spokesperson Police Colonel Bernard Banac, wala silang alam sa pagkakahuli kay Bikoy.
Ganito rin ang naging tugon ni Police Captain Artemio Cinco Jr., Spokesperson ng PNP Anti-Cybercrime Group at ni Brig. General Amador Corpus, hepe ng CIDG.
Maging si PNP Chief Police General Oscar Albayalde ay wala pa ring official statement sa pagkakaaresto kay alyas Bikoy.
Si Bikoy ang nasa likod ng pagpapakalat ng “Ang totoong Narcolist’ video na nag-uugnay kay Pangulong Duterte sa iligal na droga.
Batay sa ulat, naihain ang warrant ng cybercrime division ng NBI kay Bikoy sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa Department of Justice (DOJ).
Una nang sinabi ni PNP Chief Albayalde na maaring mapanagot si Bikoy ng cyber libel dahil sa pagpapakalat ng mapanirang video.