Nananatiling mapayapa ang sitwasyon sa kalakhang Maynila, sa kabila nang nagpapatuloy na tigil-pasada ng grupong PISTON.
Ayon kay Philippine National Police (PNP) PIO Chief PCol. Jean Fajardo, walang naitatalang untoward incident ang kapulisan.
Ani Fajardo, minimal lamang ang epekto ng nasabing tigil-pasada dahil nagpakalat ng mga sasakyan para sa libreng sakay ang Metro Manila Development Authority (MMDA), Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) maging ang iba’t ibang local government units (LGUs).
Sa panig naman ng PNP, mayroon din silang mobile patrol at sapat na tauhan para umagapay sa mga ma-s-stranded na mga pasahero.
Base pa sa datos ng National Capital Region Police Office (NCRPO), nakapagtala sila ng 170 mga nagkikilos protesta sa Muntinlupa, QC at Maynila.
Samantala, simula ngayong araw, nag-deploy ang PNP ng 39,000 na mga pulis sa iba’t ibang bahagi ng bansa matapos itaas ng Pambansang Pulisya sa full alert ang kanilang hanay bilang paghahanda sa kaliwa’t kanang aktibidad ngayong Kapaskuhan.
Maliban dito, nagpakalat din ng mahigit 400 police service dogs bilang bahagi ng karagdagang seguridad.
Kabilang sa mga lugar na mahigpit na binabantayan ng PNP ay mga simbahan, pantalan, paliparan, terminal ng bus, pampublikong lugar at iba pang matataong lugar.