Wala pang nakikitang banta sa seguridad ang Philippine National Police (PNP) sa papalapit na Traslacion, ngunit hinimok nito ang publiko na mahigpit na sumunod sa mga patakaran sa kaligtasan sa nasabing pagdiriwang.
Ayon kay Acting PNP Chief Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., patuloy nilang mino-monitor ang sitwasyon, kabilang ang mga aktibidad at social media postings na may kaugnayan sa Traslacion.
Dagdag pa niya, nakikipag-ugnayan na rin ang ahensya sa mga lokal na pamahalaan, marshals, at iba pang awtoridad upang makapagbigay ng agarang tulong at tumugon sa anumang posibleng insidente.
Kaugnay nito, hinimok ng PNP ang publiko na iwasang magdala ng mga ipinagbabawal na bagay tulad ng mga baril, paputok, lalagyang salamin para sa tubig, hoodies, caps o sumbrero, malalaking bag, gadgets, at alahas.
Pinayuhan din ang publiko na huwag magsama ng mga sanggol, bata, at senior citizens, at magsuot ng komportableng kasuotan sa araw ng pagdiriwang.
Matatandaang magpapatupad ang PNP ng gun ban mula Enero 8 hanggang 10, liquor ban sa loob ng 500 metro mula sa Quiapo Church sa Enero 9, at pagbabawal sa paggamit ng paputok mula Enero 8 hanggang 9.








