Walang na-monitor na terrorist threat sa bansa ang Philippine National Police.
Ito ay matapos na maglabas ng babala ang Japan sa kanilang mga mamayan na nasa anim na bansa sa Timog Silangang Asya, kabilang ang Pilipinas na mag-ingat sa posibleng terrorist threat.
Batay sa abiso ng Japan, pinayuhan ang kanilang mga mamayan na umiwas sa mga matataong lugar dahil sa panganib mula sa suicide bombing.
Siniguro naman ni Philippine National Police (PNP) Chief Guillermo Eleazar na hindi nagre-relax ang PNP sa pagbabantay sa mga posibleng banta.
Sinabi pa ni PNP chief, na noon pa man makalipas ang 9-11 World Trade attack sa New York, at Marawi Siege ay aktibo ang koordinasyon ng Pilipinas sa iba’t ibang bansa sa pamamagitan ng information sharing tungkol sa iba’t ibang terrorist groups.
Pinalakas din aniya ng PNP ang kanilang ugnayan sa iba’t ibang komunidad para matiyak na hindi makakalusot ang mga terorista sa kanilang masamang hangarin.