PNP, walang namo-monitor na banta sa Metro Manila matapos ang Cotabato blast

Inihayag ngayon ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief Director Guillermo Eleazar na wala silang namo-monitor na banta sa Metro Manila matapos ang pagsabog sa Cotabato City.

Ayon kay Eleazar, nananatiling nakataas sa full alert ang kanilang status at patuloy silang nakabantay sa lahat ng sulok ng Metro Manila.

Bukod dito, hinikayat ni Eleazar ang publiko na maging mapagmatyag at agad iulat sa mga otoridad ang mga kahina-hinalang bagay at indibidwal dahil malaking tulong ito para maiwasan ang anumang krimen o karahasan.


Bagaman at maraming nagre-report sa NCRPO na nagiging “false alarm” ang resulta, wala naman daw itong problema dahil mas mabuti nang negatibo ang resulta kaysa naman magkaroon ng disgrasya nang dahil sa hindi agad nakapagsumbong ang publiko.

Sa huli, sinabi pa ni Eleazar na kung agad na nai-report ang kahon na iniwan sa mall sa Cotabato City, wala sanang namatay na dalawang katao at ikinasugat ng marami.

Facebook Comments