Nilinaw ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) na wala silang namo-monitor na anumang banta ng destabilisasyon sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ito ang ginawang paglilinaw ni Philippine National Police – Public Information Office (PNP-PIO) Chief PCol. Jean Fajardo matapos sabihin ni dating Senator Antonio Trillanes IV na may ilang aktibong high-ranking police officials ang nagre-recruit umano ng mga pulis para sumama sa inilulutong destabilization plot laban kay Pangulong Bongbong Marcos.
Maliban sa pulisya, mayroon din umanong retired military officials ang nagre-recruit ng mga sundalo para suportahan ang nasabing ouster plot.
Ayon kay Fajardo, hindi nila alam kung saan nakuha ni Trillanes ang kanyang paratang.
Nakausap na rin aniya ni Marbil ang kanilang intel units at sinabing wala namang namo-monitor na sinumang aktibong pulis na dawit sa destabilization plot.
Apela ni Fajardo sa dating mambabatas na tigilan na nito ang pagdadawit sa PNP sa umano’y pagkakaroon ng sabwatan para pabagsakin ang Marcos administration.