Tuloy-tuloy ang ginagawang paghahanda ng Philippine National Police (PNP) hinggil sa nalalapit na ikalawang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Bongbong Marcos (PBBM) sa July 24, 2023.
Ayon kay PNP Public Information Office (PIO) Chief PBGen. Red Maranan, ang National Capital Region Police Office (NCRPO) ang magiging punong abala sa SONA sa pangunguna ni NCRPO Chief PMGen. Edgar Allan Okubo.
Ani Maranan, ipatutupad sa ikalawang SONA ng pangulo ang gun ban, liquor ban at no fly zone.
Bago naman ang mismong SONA ay magkakaroon ng mga road clearing operations at mga simulation exercises.
Samantala sa ngayon wala namang namo-monitor na seryosong banta ang Pambansang Pulisya para makaapekto sa paghahanda nila sa SONA.
Pinapayuhan ang mga raliyista na makipagdayalogo sa kapulisan upang matiyak ang kaayusan at kapayaan kung saan tanging sa mga freedom parks lamang sila papayagang magkasa ng kilos protesta at kailangang kumuha ng rally permit mula sa local government unit (LGU).
Kasunod nito, tiniyak ni Maranan na ipatutupad ng pulisya ang maximum tolerance at igagalang ang karapatang pantao ng mga aktibista.
Una nang sinabi ng PNP na magpapakalat sila ng sapat ng pwersa ng kapulisan upang masiguro na magiging generally peaceful ang ikalawang SONA ni PBBM.