PNP, walang namomonitor na anumang security threat sa pagdiriwang bukas ng Araw ng Kalayaan

Hinimok ng Philippine National Police (PNP) ang iba’t ibang grupo na planong magsagawa ng kilos protesta na gawin na lamang itong online kasabay ng pagdiriwang ng ika-123 Araw ng Kalayaan ng Pilipinas bukas, June 12.

Ayon kay PNP Chief P/Gen. Guillermo Eleazar, bilang bahagi ng mga pag-iingat ngayong may COVID-19 pandemic, mas maigi gawing online ang mga aktibidad may kinalaman sa paggunita ng araw ng kasarinlan.

Sinabi ni PNP Chief na bagama’t iginagalang nila ang kalayaan sa pamamahayag, mas mainam na gawin na lamang itong virtual para na rin sa kaligtasan ng lahat.


Gayunman, naka-full alert pa rin ang PNP para sa posibleng kilos protestang ikakasa ng iba’t ibang mga grupo sa mga lugar na nais ng mga ito.

Utos ni PNP Chief sa kaniyang mga tauhan na ipatupad pa rin ang maximum tolerance at hayaan ang mga raliyista na kusang kumalas pagkatapos ng kanilang programa.

Sa ngayon, wala pa namang natatanggap na anumang banta sa seguridad ang PNP kaugnay sa okasyon pero umapela si Eleazar sa publiko na sundin pa rin ang public health and safety protocols para makaiwas sa COVID-19.

Facebook Comments