PNP, walang sisinuhin sa imbestigasyon ng mga ‘missing sabungeros’

Walang sasantuhin ang Philippine National Police (PNP) sa imbestigasyon kaugnay ng mga nawawalang sabungero, sibilyan man, opisyal, o kapwa pulis.

Ito ang binigyang diin ni PNP Spokesperson PBGen. Jean Fajardo.

Kasunod na rin ito ng rebelasyon ng isang akusado at dating security guard sa Manila Arena na ngayo’y tumatayong state witness na si alias Totoy na inilibing ‘di umano ang mga bangkay ng sabungero sa Taal Lake kung saan nasa 30 indibidwal ang dawit kabilang na umano ang ilang police officers.

Ayon kay Fajardo, hihintayin nila ang buong salaysay ni alias Totoy para sa masusing imbestigasyon.

Samantala, tiniyak din ni Fajardo na bukas ang PNP sa pakikipagtulungan sa Department of Justice (DOJ) para sa ikalilinaw ng imbestigasyon.

Sa ngayon, wala aniya silang natatanggap na pormal na request mula sa DOJ para magsagawa ng search operations.

Gayunman, tiniyak ni Fajardo na anumang unit ng PNP, kabilang na ang Maritime Group ay handang tumulong oras na kailanganin.

Facebook Comments