Hindi nag-utos ang pamunuan ng Philippine National Police (PNP) sa kanilang mga tauhan na magsagawa ng profiling sa mga organizer ng community pantry.
Ayon kay PNP Chief General Debold Sinas, hindi saklaw ng PNP na makialam sa personal na aktibidad ng mga pribadong indibidwal.
Alam umano ng PNP na ang mga community pantry ay nagpapakita ng Bayanihan spirit at wala silang intensyon na hadlangan ito.
Aniya, ang kanila lamang intensyon ay ipatupad ang kaayusan partikular na ang pagpapatupad ng health protocol sa mga pampublikong aktibidad na may presensya ng sampu o mahigit pang tao.
Matatandaan na kumalat sa social media ang pag fill out ng form ng mga pulis sa Pandacan community quarantine.
Bukod dito, nakaramdam din ng takot ang mga organizer ng Maginhawa community pantry dahil sa pagkuwestyon sa kanya ng mga pulis sa organisasyon na kanyang kinabibilangan.