Naglabas ng protocol o alituntunin ang Philippine National Railways (PNR) hinggil sa patuloy na banta ng Corona Virus Disease o COVID-19 sa bansa.
Ayon sa tagapagsalita ng PNR na si Joseline Geronimo, isa sa mga ipinatutupad nila ay ang pagsasagawa ng thermal screening sa lahat ng mga pasahero bago makapasok sa istasyon.
Aniya ang sinumang pasahero na mayroong body temperature na 38 degrees Celsius ay hindi pasasakayin sa tren at papayuhang magpakonsulta sa doktor.
Sinabi pa ni geronimo na mayroon na din mga alcohol sa lahat ng PNR stations para magamit ng mga pasahero at mga empleyado.
Dagdag ni Geronimo, bahagi ng PNR protocol ang disinfection ng lahat ng mga tren kung saan pupunasan ng solution ang mga hand rail at train surfaces; lilinisin ang mga sahig; at may spraying din na gagawin sa mga bagon.
Ang mga ito ay gagawin sa mga tren pagkatapos ng bawat ikot ng biyahe at isasagawa ang procedure sa mga PNR station sa Tutuban, Governor Pascual at Naga.
Nabatid pa kay Geronimo na maaaring tumagal ang proseso ng labing limang minuto kaya umaasa sila na mauunawaan ito ng publiko.