PNR, patuloy ang ginagawang paghahanda sakaling magsimula na ulit ang kanilang operasyon

Patuloy ang ginagawang paghahanda ng Philippine National Railways (PNR) para sa kanilang pagbabalik-operasyon.

Sa inilabas na pahayag ng PNR, may mga inilalatag silang pag-iingat para sa mga pasahero at para sa kanilang mga empleyado ngayong umiiral ang ‘new normal’ dahil sa banta ng COVID-19.

Isa rito ay ang pagtatayo ng PNR ng billeting facility o baraks para sa mga essential worker nila kung saan nais nilang matiyak na magiging ligtas ang kanilang mga tauhan at nakakasunod sa safety, health at environment protocols ng Department of Health (DOH) at Department of Transportation (DOTr).


Ang nasabing pasilidad ay araw-araw na idi-disinfect at ang lahat ng kanilang essential workers ay imo-monitor para masigurong walang sintomas ng COVID-19.

Magsasagawa rin ang PNR ng ‘Sani-Station’ sa lahat ng entry points ng mga istasyon at terminal, at kabilang dito ang paglalagay ng foot bath at mga alkohol na magagamit ng mga pasahero at personnel.

Nauna nang naglagay ang PNR ng markings sa loob ng mga tren upang masiguro ang social distancing sa mga pasahero, at bago sila pumasok ay titignan din ang kanilang body temperature.

Facebook Comments