May trabaho pa ring naghihintay sa mga kawani ng Philippine National Railways (PNR) kahit pa magtigil-biyahe na ito sa Metro Manila sa March 28, 2024.
Sa pahayag na inilabas ng PNR na ibinahagi ng tanggapan ni Department of Transportation (DoTr) Usec. for Rails Jeremy Regino, mare-retain o mananatili ang kanilang mga kawani at isasama sila sa patuloy na operasyon mula Laguna hanggang Bicol.
Ang ibang empleyado naman na nakatalaga sa mga administrative na posisyon ay mananatili sa tanggapan ng PNR sa Tutuban sa Tondo, Maynila.
Sa kabila nito, hindi pa rin mawala ang pangamba ng mga job order na empleyado ng PNR na umaabot sa 1,200 ang bilang.
Ito’y dahil sa wala pang inilalabas na memorandum para sa kanilang field personnel tungkol sa paglilipat sa kanila kasabay ng tigil-operasyon sa Metro Manila.
Ilang araw na lamang bago ang March 28 pero wala pang malinaw na plano para sa kanila ang PNR kung saan nasa lima hanggang lagpas 15 taon na ang karamihan na pawang job order sa pagtatrabaho.