PNR SOUTH | ₱175-B PNR south railway project, nakatakdang pirmahan ngayong buwan

Nakatakdang pirmahan ngayong buwan ng Pilipinas at China ang ₱175 billion Philippine National Railways (PNR) south railway project.

Ito ay ang 639 kilometer railway project mula Manila hanggang Bicol.

Pangungunahan nina Pangulong Rodrigo Duterte at Chinese President Xi Jinping ang signing.


Inaasahang bibisita ang Chinese president sa bansa pagkatapos ng Asia-Pacific Economic Cooperation Summit mula November 12 hanggang 18 sa Papua New Guinea.

Ayon kay Albay Representative Joey Salceda, ang original proponent ng proyekto – ang modernong railway project ay magsisilbing major backbone ng economic development sa Southern Tagalog at Bicol.

Kapag natapos aniya ito, mapalalawak ang connectivity sa pagitan ng mga major airports at seaports sa Southern Tagalog at Bicol Region.

Inaasahang mapapabilis na nito ang biyahe mula Manila hanggang Legazpi sa loob lamang ng halos limang oras.

Mayroon itong siyam na pangunahing istasyon: Manila, Los Baños, Batangas City, Lucena, Gumaca, Naga City, Legazpi City, Sorsogon City at Matnog.

Magsisimula ang konstruksyon ng proyekto sa ikalawang kwarter ng 2019 at magiging partially operational sa ikalawang kwarter ng 2022.

Ang proyekto ay bahagi ng PNR Luzon System Program, na kabilang sa big-ticket infrastructure projects na popondohan sa ilalim ng Official Development Assistance (ODA) agreement.

Ang PNR south ay bahagi ng build build build program ng Duterte administration.

Facebook Comments