Imumungkahi ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) na itaas sa 7,500 ang deloyment cap ng mga healthcare workers sa gitna ng patuloy na pagluwag ng COVID-19 protocols sa ibang bansa.
Ayon kay POEA Administrator Bernard Olalia, umabot na sa mahigit 2,000 ang mga nurse na naipadala ng Pilipinas mula Enero hanggang Mayo.
Tiniyak naman ni Olalia na hindi tayo kukulangin sa mga nurse dahil nadagdagan na ang registered nurses sa bansa na nakapasa sa Nursing Licensure Examination.
Samantala, natugunan na rin ng Philippine Overseas Labor Offices (POLO) sa Dubai at Abu Dhabi, UAE ang matagal nang problema ng mga OFWs na nag-a-apply para sa kanilang Overseas Employment Certificate (OEC).
Aniya, nagpatupad na ang POLO sa Dubai ng appointment system para maresolba ang isyu.
Maliban dito, patuloy ding tinutugunan ng ahensya ang third country hiring kung saan ang mga OFW na nakatapos ng kanilang kontrata ay nag-a-apply sa ibang bansa nang hindi sumasailalim sa tamang proseso ng POLO o POEA.
Ayon kay Olalia, ang mga sumasailalim sa third country hiring ay kadalasang nagiging biktima ng illegal recruitment.