POEA, isinusulong sa Senado na maging bagong departamento para sa OFWs

Ang Philippine Overseas Employment Administration o POEA ang iminumungkahi sa Senado na maging bagong departamento para sa Overseas Filipino Workers o OFWs.

Ayon kay Senate Minority Leader Franklin Drilon, nakapaloob ito sa draft committee report ukol sa panukalang Department of Overseas Filipinos o DOFil.

Sabi ni Drilon, tatawagin itong Department of Migrant Workers and Overseas Filipinos at magiging attached agency nito ang Overseas Workers Welfare Administration o OWWA.


Mungkahi naman ni Senator Imee Marcos, palawakin at palakasin ang POEA para makatipid ang gobyerno at hindi na kailanganin pa ang P1.13 bilyon para sa paglikha ng bagong departamento.

Suhestyon din ni Marcos, maglagay ng hiwalay na mga undersecretary para sa land based at seabased workers pero ang kanilang napagkasunduan ay assistant secretary na lang.

Una rito ay sinabi ni Committee on Labor and Employment Chairman Senator Joel Villanueva na suportado na ng nakararaming senador ang panukalang DOFil kaya’t handa na niya itong sponsoran sa plenaryo ng Senado.

Facebook Comments