Nagbabala ang Philippine Overseas Employment Administration (POEA) sa publiko sa bagong illegal recruitment schemes na may kinalaman sa paggamit ng pekeng travel documents at misdeclaration of purpose para sa overseas travel.
Ayon sa POEA, nakatanggap sila ng ulat mula sa Bureau of Immigration hinggil sa mga nahuling indibiduwal na sinasabing sila ay overseas Filipino workers (OFWs) pero napag-alamang gumagamit ng pekeng travel documents tulad ng pekeng visas at Overseas Employment Certificate (OECs).
Paalala ng ahensya sa mga Pilipinong nais magtrabaho abroad na kumuha lamang ng travel at overseas employment documents sa mga awtorisadong tanggapan.
Ang mga aplikanteng umalis sa bansa bilang turista pero magtatrabaho sa abroad ay kadalasang nabibiktima ng pang-aabuso at pagmamaltrato.
Pinag-iingat din ng POEA ang publiko laban sa mga tourist-to-work scheme na inaalok ng ilang travel agencies at immigration consultants.