Nakikipag-ugnayan na ang Philippine Overseas Employment Administration (POEA) sa Department of Foreign Affairs (DFA) para mapabilis ang pagproseso ng mga dokumento ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs).
Ito ay matapos umabot ang pila ng mga aplikante sa Macapagal Boulevard hanggang Roxas Boulevard.
Ayon kay POEA Administrator Bernard Olalia, nakikipag-usap na sila sa DFA para masolusyunan ang mahabang pila sa pagproseso ng mga dokumento ng mga OFW.
Aniya, ang apostille documents ay mahalaga para makuha ng mga OFW ang kanilang Overseas Employment Certificate (OEC) habang pinoproseso ang kanilang aplikasyon na makapagtrabaho sa ibang bansa.
Nauna nang inamin ni DFA Acting Assistant Secretary Christian de Jesus na hindi nila kakayaning i-accommodate ang lahat ng mga aplikante pero patuloy silang tatanggap ng walk-in.