Tanging ang mga balik manggagawa o mga returning Overseas Filipino Workers lamang ang papayagan ng pamahalaan na ma-deploy sa Iraq.
Ito ay makaraang ibaba na sa Alert Level 3 ang status doon dahil sa bumubuting sitwasyon.
Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni Philippine Overseas Employment Administration (POEA) Administrator Usec. Bernard Olalia na hindi kasama sa deployment ang mga newly hired na Overseas Filipino Workers (OFWs).
Ang pinapayagan lamang ani Olalia ay yung OFWs na mayroong existing contracts at mga Pinoy na uuwi at magbabakasyon sa Pilipinas mula Iraq.
Sinabi pa ni Olalia na required isumite sa POEA o sa ating embahada ng mga mapapabilang sa balik manggagawa ang kanilang existing contracts at plano ng kanilang mga employer kung paano sila tutulungan saka-sakaling magkaroon ulit ng problema.
Karamihan aniya sa mga magbabalik sa Iraq ay skilled at professional workers.
Matatandaang Jan. 2020 nang magpatupad ng deployment ban ang Pilipinas sa Iraq dahil sa tensyon sa pagitan ng Iraq at ng Estados Unidos.