Nagpa-alala ang Philippine Overseas Employment Administration (POEA) sa mga Pilipinong job applicants sa South Korea na mag-ingat sa mga naglipanang Korean Language training centers lalo na sa mga nangangako ng overseas employment.
Ayon sa POEA, may ilang Korean Language Centers ang nag-aalok ng trabaho para makahikayat ng mga kliyente na i-avail ang kanilang serbisyo.
Nalaman nila ang bagong modus na ito nang gamitin ng ilang language training centers ang pangalan at logo ng ahensya sa kanilang advertisements lalo na sa social media.
May ilang Korean Language Training Centers ang nangangako rin sa mga aplikante na papasa sa kanilang Test Proficiency na isa sa mga requirements para makatrabaho sa Korea sa pamamagitan ng Employment Permit System.
Iginiit ng POEA na wala silang awtorisasyon sa mga nasabing training centers na nagsasagawa ng recruitment ng Overseas Filipino Workers (OFWs).
Ang POEA Government Placement Branch, ang government-to-government facility na nangangasiwa ng Korea Employment Permit System sa Pilipinas ay hindi nagbibigay ng accreditation sa anumang language training centers.
Pinapayuhan ang mga job applicants na magtungo sa website ng POEA (www.poea.gov.ph) o mag-email sa POEA Information Center (connect@poea.gov.ph) para sa mga anunsyo hinggil sa hirings sa South Korea.