POEA, tiniyak ang tulong sa mga health care workers na ide-deploy sa ibang bansa

Tiniyak ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) ang tulong at pagbabantay sa deployment ng mga health care workers sa ibang bansa para matiyak na mayroong matitirang susuporta sa healthcare system sa bansa.

Sa gitna ito ng patuloy na pagpapatupad ng deployment ceiling sa mga health care workers kung saan limitado sa 5,000 ang maaaring lumabas ng bansa kada taon.

Ayon kay POEA Administrator Bernard Olalia, bago pa magkaroon ng pandemya, pumapalo sa 12,000 hanggang 14,000 ang deployment ng nurses bawat taon.


Pero nagbago aniya ito nang umiral ang temporary suspension kung saan bumaba ang bilang ng mga nurses na lumalabas ng bansa.

Nitong nakaraang Nobyembre nang aprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagtanggal sa suspension ng deployment ng nurses at medical workers sa ibang bansa.

Pero para matiyak na may matitirang health care workers sa bansa, tanging 5,000 health care workers na lamang ang papayagang makaalis para makapagtrabaho sa ibang bansa.

Sa ngayon, umiiral pa rin ang deployment ban sa ibang kategorya tulad ng physicians, dentists, at pharmacists.

Facebook Comments