Nanindigan ang Philippine Offshore Gaming Operator o POGO company na sinalakay ng pulisya sa Las Piñas City kamakailan na lehitimo ang kanilang operasyon sa bansa.
Ayon kay Kong Esqueta, Legal Consultant ng Xianchuang Network Technology Inc., katunayan ay mayroon silang permit o POGO license na epektibo hanggang 2025.
Dagdag pa nito, mayroong working visa rin ang kanilang mga empleyado at pahirapan ngayon ang sitwasyon ng mga naka-lockdown na empleyado dahil nakatanggap sila ng ulat na hindi pa umano kumakain ang mga ito.
Nabatid na hindi rin pinayagan ang mga biktima na makakuha ng sarili nilang abogado at pinilit papirmahin sa dokumento na hindi sila puwedeng magreklamo, kaharap ang mga abogado mula sa Public Attorney’s Office o PAO.
Matatandaan na itinanggi ng PNP na may nasawing dayuhan sa isinagawa nilang operasyon subalit may 8 dayuhan ang nasugatan matapos magtangkang tumakas nang malaman na pinalalaya na ang mga kasama nitong Pilipino.