Binigyang diin ni Senator Joel Villanueva na dapat pa ring singilin ng pamahalaan ang utang sa buwis ng mga kompanyang kabilang sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) bago ito tuluyang lumayas sa bansa.
Giit ni Villanueva, ang POGO firm na hindi makakabayad ng buwis ay dapat i-blacklist at huwag ng pahintulutan na muling makapagnegosyo sa Pilipinas.
Nanindigan si Villanueva na hindi kawalan ang unti-unting pag-alis ng POGO sa bansa dahil kakarampot lamang ang ambag nito sa ating ekonomiya at hindi pa nagbabayad ng tamang buwis.
Maliban dito, hindi rin sapat para sa mga manggagawang Pilipino ang trabaho na nililikha ng POGO.
Ayon kay Villanueva, sobra-sobra na ang pagkakataon na ibinigay sa mga POGO, pero sinayang lang nila ito dahil sa patuloy na paglabag sa ating mga batas at panuntunan.