Posibleng may koneksiyon ang nadiskubreng POGO hub na sinakalay kamakailan ng mga awtoridad sa Porac, Pampanga sa Zun Yuan Technologies Inc. na una nang sinalakay sa Bamban, Tarlac.
Ito ang sinabi ni Philippine National Police (PNP) PIO Chief, PCol Jean Fajardo matapos ireklamo ang Lucky South 99 dahil sa sinasabing pang-aabuso gaya ng pambubugbog, sexual abuse at iba pang human trafficking activities.
Ayon kay Fajardo, may indikasyon na magkaugnay ang dalawang sinalakay na POGO hubs dahil kapwa may iligal na aktibidad ang ginagawa rito.
Nabatid na walang permit ang Lucky South 99 matapos itong salakayin ng mga awtoridad noong 2022 dahil sa scam hub pero patuloy pa ring nakakapag-operate.
Matatandaang nasagip ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group at ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) ang nasa 157 na dayuhang POGO workers kabilang ang Chinese, Vietnamese, Malaysian at Korean nationals.
Wala namang nahuling operator ng POGO sapagkat bigo parin ang mga awtoridad na pasukin ito makaraang ibasura ng Korte ang search warrant para dito dahil sa usaping teknekalidad.
Una nang sinibak ang hepe ng Porac Municipal Police Station dahil sa kapabayaan kung bakit nakapago-operate pa rin ang naturang establisyemento kahit walang kaukulang permit.