Iminungkahi ni House Deputy Majority Leader at Iloilo 1st District Representative Janette Garin na gawing dormitoryo ng mga estudyante ang mga sinalakay na Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) hub.
Sinabi ito ni Garin sa deliberasyon ng Kamara sa 2025 proposed budget ng Commission on Higher Education (CHED) at ng State Universities and Colleges (SUCs).
Ipinunto ni Garin na ang mga dormitoryo ay kadalasang pagmamay-ari at pinamamahalaan ng pribadong sektor kaya ang halaga ng renta ay hindi nakokontrol.
Ito ang nakikitang tugon ni Garin sa problema ng mga estudyante sa mataas na presyo ng pangrenta sa mga dormitoryo kaya ang iba ay hindi na tumutuloy o nagtatapos ng pag-aaral.
Bukod sa dormitoryo, sinabi ni Garin na pwede ring gawing extension campus ng mga paaralan ang mga POGO hub na makukuha ng gobyerno.