Ipinagbabawal na ng lokal na pamahalaan ng Valenzuela ang Philippine Offshore Gaming Operations (POGO) sa kanilang lungsod.
Ito ang inaunsiyo ni Mayor Wes Gatchalian sa isinagawang press conference kung saan maging ang ibang sugal ay ipinagbabawal na rin.
Ayon sa alkalde, inaprubahan na ang ipinasang ordinansa ng Valenzuela City Council para tuluyan nang matigil ang anumang uri ng iligal na sugal sa buong lungsod.
Kaugnay nito, pansamantala rin suspendido ang small town lottery at online gambling operations sa ilalim ng naturang ordinansa.
Paliwanag ni Gatchalian, ang ginawa nilang desisyon na i-ban ang POGO ay upang masiguro ang kaayusan at kaligtasan ng mga residente nila.
Sinabi pa ng alkalde, hindi matutumbasan ng anumang kinikita ng POGO ang masamang epekto na idudulot nito sa kanilang residente kung magpapatuloy ito sa kanilang lungsod.
Sa huli, muling iginigiit ni Gatchalian na pangunahing layunin nila kaya naipasa ang ordinansa ay upang mapangalagaan ang social at moral ng mga residente at upang maiwasan na malulong sa pagsusugal.