Pinaghihinalaan na malaki ang posibilidad na may kaugnayan sa Alkalde ng Bamban, Tarlac ang Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) na ni-raid ng mga tauhan ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) sa mismong bayan ng Bamban.
Batay na rin ito sa mga dokumentong nakalap ng tanggapan ni Senate Committee on Ways and Means Chairman Sherwin Gatchalian.
Ang unang dokumento ay ang Sangguniang Bayan Resolution noong Setyembre 2020 kung saan naglalaman ito ng pag-apruba ng konseho sa aplikasyon ng noo’y private citizen pa na si Guo para sa license to operate ng Hongsheng Gaming Technology, Inc., na unang ni-raid noong February 2023 at pinalitan ito ng Zun Yuan Technology, Inc., sa parehong compound na ni-raid naman ng mga awtoridad nito lamang Marso.
Ang iba pang dokumento na nag-uugnay sa Alkalde ay ang listahan ng mga sasakyan na natagpuan sa loob ng compound ng Zun Yuan Technology kung saan batay sa verification na isinagawa sa Land Transportation Office (LTO), isa sa mga sasakyan na Ford Expedition EL na may plate number CAT 6574 ay nakarehistro sa pangalan ni Guo.
Maliban pa sa mga ito, ang statement of account o electricity bill ng Tarlac II Electric Cooperative, Inc. (TARELCO II) na nakapangalan kay Guo ay natagpuan sa loob ng POGO.
Giit ni Gatchalian, napakaraming ebidensya ang lumabas na posibleng may kinalaman si Mayor Guo sa mga iligal na aktibidad ng POGO kaya dapat na silipin nang mabuti ng Department of the Interior and Local Government (DILG).