POGO raid sa Pasay, ipasisiyasat ng Senado

Pinaiimbestigahan ni Senate Committee on Ways and Means Chairman Sherwin Gatchalian sa Senado ang nangyaring raid sa isang gusali sa Pasay na ginamit sa mga iligal na gawain ng mga Philippine Offshore Gaming Operator (POGO).

Sa inihaing ng Senate Resolution 853 ni Gatchalian, pinakikilos ng senador ang angkop na komite para silipin ang isang internet gaming na lisensyado ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) na sinasabing sangkot sa mga POGO-related crime na may kinalaman sa prostitusyon, human trafficking, torture, kidnapping for ransom at online scams.

Nakasaad sa resolusyon ang ikinasang raid ng mga awtoridad noong October 27 laban sa Smart Web Technology Corporation (Smart Web), isang internet gaming licensee ng PAGCOR na matatagpuan sa Pasay City dahil sa paglabag sa Anti-Trafficking in Persons Act.


Sa nasabing raid, aabot sa 731 na mga Pinoy at foreign nationals na umano’y biktima ng POGO ang nailigtas at nakwestyon ng mga awtoridad.

Ang internet gaming licensee ay kinakitaan ng paglabag sa itinatakdang regulasyon ng PAGCOR matapos na makitaan ang gusali ng aquarium style viewing chamber, torture chamber, massage parlors na ginagamit sa prostitusyon, dagdag pa rito ang pagkakasangkot sa labor trafficking, online crypto investment at love scams.

Sinabi ni Gatchalian na inaasahang matatalakay at masisimulan na ang imbestigasyon dito ng Senado sa susunod na linggo.

Facebook Comments