Ibinunyag ni Senator Sherwin Gatchalian na hindi pa rin nahihinto ang mga insidente ng kidnapping na may kinalaman sa Philippine Offshore Gaming Operators o POGO.
Ang nasabing impormasyon aniya ay mula sa National Bureau of Investigation (NBI) at Philippine National Police (PNP).
May natanggap aniya siyang sulat mula kay NBI Director Atty. Medardo de Lemos na may petsang Marso 9, 2023 kung saan nakasaad na humihingi ng tulong sa NBI si Consul Cao Kaiwen ng Chinese Embassy para sagipin ang isang Chinese national na iligal na ikinulong sa compound ng isang POGO service provider.
Ang tinukoy na POGO service provider ay ang Brickhartz Technology Incorporated na nasa Shuangma park sa Bacoor, Cavite na siya ring nasangkot sa isang kidnapping at human trafficking case na isiniwalat noon ni Senator Grace Poe.
Patuloy pang nangangalap ng impormasyon ang NBI para maligtas ang biktima.
Sa hiwalay rin na sulat mula naman kay Police BGen. Jose Hidalgo Jr., hepe ng PNP-Region 3, na may petsang Marso 17, 2023, idinetalye ang kidnapping at pag-rescue sa isang Chinese national at 42 iba pang foreign nationals sa bakuran ng isang POGO operator na Lucky South 99 sa Angeles City sa Pampanga noong September 14, 2022.
Matatandaang ang komite ni Gatchalian ang nag-imbestiga sa mga kaso ng kidnapping at iba pang krimen kaugnay sa POGO at isa rin ang senador sa pabor na palayasin na ang mga POGO sa bansa bunsod ng mas mabigat ang problemang hatid nito kesa sa benepisyo sa bansa.