Police commanders, mananagot kapag may failure of intelligence para mapigilan ang pambobomba

Nagbabala si Philippine National Police (PNP) Director for Operations Police Major General Valeriano de Leon sa mga police commander na managot sila kapag hindi sila makagawa ng aksyon upang mapigilan ang pambobomba sa kani-kanilang area of responsibility.

Ginawa ni De Leon ang babala kasunod ng apat na pagsabog na naganap sa Mindanao kamakailan.

Ayon kay De Leon, pinaimbestigahan na ni PNP Officer-in-Charge Police Lieutenant General Vicente Danao Jr. sa Regional Director ng Police Regional Office (PRO) 9 kung nagkaroon ng “failure of intelligence” sa magkasabay na pagsabog sa Isabela City, Basilan na nangyari ilang araw lang kasunod ng pambobomba sa Koronadal City, South Cotabato at Tacurong City, Sultan Kudarat.


Una nang nagpalabas ng memorandum si De Leon sa lahat regional directors at unit commanders na paigtingin ang intelligence monitoring at seguridad sa kani-kanilang area of responsibility para hindi na maulit ang insidente.

Ngunit tatlong araw lang ang nakalipas ay nangyari ang dalawang pagpapasabog ng improvised bombs sa parking lot ng isang fast food outlet at bus terminal sa Isabela City.

Facebook Comments