Huli sa isinagawang entrapment operation ng mga tauhan ng PNP Integrity Monitoring and Enforcement Group (PNP-IMEG) ang mismong Police Community Precinct Commander ng Caloocan City Police Station 10 kasama ang isang sibilyan dahil sa pangongotong sa mga gasoline vendor sa Camarin sa nasabing lungsod.
Kinilala ni PNP IMEG Director Brigadier General Ronald Lee ang naarestong police commander na si Police Major Celso Sevilla at isang sibilyan na si Nestor Rivera.
Ayon kay Lee, isang gasoline vendor ang nagreklamo sa PNP-IMEG dahil sa ginagawang pangingikil sa kanila ni Major Sevilla.
September 11, 2019 aniya nang sinalakay ng mga tauhan ng Police Station 10 ang iba’t ibang stalls na nagbebenta ng mga galon at bote ng gasolina sa Purok 3 Brgy. 178, Camarin, Caloocan City kung saan nakumspiska ang 23 gallons ng gasolina, 2 kaha ng mga bote na naglalaman din ng gasolina.
Upang tuluy-tuloy ang kanilang pagbebenta, nanghihingi ang suspek na Police Major ng tig-300 piso sa mga stall owner kada linggo.
Nang makumpirma ng PNP-IMEG ang mga reklamo ay agad ikinasa ang entrapment operation dahilan ng pagkakaaresto ni Major Sevilla at sibilyan na si Rivera.
Kahapon, agad isinailalim sa booking at documentation procedure ang mga naaresto at ngayon ay nahaharap na sa mga kasong kriminal at administratibo.