Sumuko sa tanggapan ni House Deputy Majority Leader Erwin Tulfo ang driver/bodyguard ng apat na Chinese nationals na dinukot at pinagnakawan umano ng mga miyembro ng Southern Police District sa Parañaque noong Setyembre ng nakaraang taon.
Ito ay si Michael Novecio, na nagpatulong kay Tulfo para sumuko kay Laguna Cong. Dan Fernandez na siyang chairman ng House Committee on Public Order and Safety Chair na dumidinig sa naturang kaso.
Agad namang ipinag-utos ni Fernandez kay House Secretary General Reginald Velasco na bigyan ng proteksyon si Novecio.
Binanggit ni Tulfo na idinadaing ni Novecio na hindi na niya alam kung sino ang ang kalaban niya dahil may humahabol sa kanyang grupo ng mga Chinese at hinahabol din siya ng mga grupo ng pulis.
Enero 30, nagpalabas si Cong. Fernandez ng warrant of arrest laban kay Novecio dahil sa patuloy nitong pagtangging sumipot sa kanilang mga pagdinig ukol sa iligal na pag-aresto, pagdukot at pagnanakaw sa apat na Chinese nationals.
Kapwa umaasa naman sina Tulfo at Fernandez na ang pagsuko ni Novecio ay magpapadali at magbibigay linaw sa imbestigasyon.