Police Lt. Col. Jovie Espenido at dalawang iba pang pulis, nagpiyansa dahil sa kasong homicide

Nakalaya pansamantala si Police Lt. Col. Jovie Espenido at dalawa pang pulis na akusado sa kasong homicide.

Sa isang text message, sinabi ni Espenido na nakapagpyansa na sila at natanggap na ang release order kahapon.

Nagbayad daw sila ng pyansang P240,000 kasama si Police Executive MSgt. Renato Martir Jr. at Police Cpl. Sandra Louise Bernadette Bantilan na dati nyang mga tauhan.


Nitong Martes, boluntaryo silang sumuko sa Ozamis City Police Station makaraang maglabas ang Department of Justice ng warrant of arrest dahil sa kasong 6 counts ng homicide, batay ito sa isinampang reklamo ng isang Carmelita Manzano noong 2018.

May kinalaman ito sa pagpatay umano nila sa kaniyang asawa na si Fancracio; anak na si Jerry; live-in partner ng kaniyang anak na si Victorino Mira Jr.; pamangkin na si Lito Manisan; live-in partner ng kanyang pamangkin na si Romeo Libaton; at isa pang Alvin Lapeña sa ginawang pagsalakay noong July 1, 2017 sa Barangay Cabinti.

Sinabi naman ni Espenido, kilalang mga tauhan ng pamilyang Parojinog at miyembro ng Martilyo Gang ang mga napatay na mga suspek noon.

Facebook Comments