Nasampahan na ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ng reklamong kidnapping and serious illegal detention ang isang police major at tatlong iba pa kaugnay ng pagkawala ng beauty 1ueen na si Catherine Camilon.
Ayon kay Philippine National Police Public Information Office Chief PCol. Jean Fajardo, inihain ng CIDG Regional Field Unit 4 ang reklamo sa Office of the Batangas Provincial Prosecutor laban kina Police Maj. Allan Avena de Castro, Mr. Jeoffrey Ariola Magpantay at dalawang John Doe.
Ani Fajardo, si De Castro ang umano’y katagpo ni Camilon bago siya iniulat na nawawala, base sa mga text message ng beauty queen sa kanyang kaibigan.
Si Maj. De Castro ay una nang ni-relieve sa kanyang tungkulin sa Police Regional Office Calabarzon at isinailalim sa restrictive custody.
Sinabi pa ni Fajardo na si Magpantay ang kilala ng mga testigo na nakitang naglipat ng duguang babae mula sa isang Nissan Juke patungo sa pulang CRV na una nang narekober ng pulisya noong nakaraang linggo sa Batangas City.
Nabatid na October 12 pa napaulat ang pagkawala ni Camilon na kumatawan sa Batangas sa Miss Grand Philippines 2023 pageant.