Magsasagawa na rin ng imbestigasyon ang Internal Affairs Service ng Philippine National Police (PNP-IAS) kaugnay sa pagpatay kay Calbayog City Mayor Ronaldo Aquino.
Ayon kay IAS Inspector General Atty. Alfegar Triambulo, moto propio investigation ang kanilang gagawin sa mga pulis na sangkot sa shootout.
Titignan ng IAS kung may paglabag ba sa protocol ang mga pulis, dahil hindi kasama sa uniporme ng mga pulis ang pasusuot ng bonnet tuwing may operasyon.
Bukod dito, aalamin din ng IAS ang magkaibang bersyon ng ulat ng PNP.
Sinasabi kasi sa spot report ng Calbayog Police na unang nagpaputok ang kampo ng alkalde pero una nang na-report na mga pulis ang unang nagpaputok sa van ng alkalde.
Sinabi pa ni Triambulo, aalamin nila kung bakit kasama ang mga pulis ng Integrity Monitoring and Enforcement Group (IMEG) gayong ang kanilang trabaho ay tugisin ang mga kabaro nilang tiwali.
Sa nasabing operasyon, anim ang napatay kabilang dito si Mayor Aquino, driver at 2 aide nito habang patay rin ang 2 pulis sa panig ng Drug Enforcement Unit (DEU) at IMEG.