Police power, hindi kailangan para mahimok na magpabakuna ang publiko – Mayor Teodoro

Naniniwala si Marikina City Mayor Marcelino “Marcy” Teodoro na hindi na kailangang gumamit ng police power para mahikayat ang publiko na magpabakuna kontra COVID-19.

Sa interview ng RMN Manila, sinabi ng alkalde na hindi naman na isyu ngayon ang vaccine hesitancy dahil nauunawaan na ng marami ang benepisyo ng pagbabakuna.

“Talagang ang marami po nating kababayan ay gusto nang magpabakuna. Ang challenge po talaga ay yung pagdating ng sapat na suplay at tamang bakuna na gagamitin natin lalo na sa pedriatic vaccination,” saad ni Teodoro.


Kasunod naman ng pag-apruba ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pagbabakuna ng general population sa Oktubre, sinabi ni Teodoro na nakikipagpulong na sila sa mga principal ng mga eskwelahan para mailista ang mga kabataang edad 12 hanggang 17.

“Ang talagang hinihintay po ng marami nating kababayan ay yung makapagbakuna po yung mga kabataan. Dahil nag-aalala po ang maraming magulang dun sa kanilang mga anak tulad po ngayon na kung ibababa ang alert level ay maaari na ring makalabas ng tahanan nila at marami na ring eskwelahan ang naghahanda sa face-to-face classes,” dagdag ng alkalde.

Facebook Comments