*Cauayan City, Isabela*- Nagsagawa ng limang araw na Enhance Community Immersion Program ang grupo ng kapulisan ng Regional Training Center na layong matulungan ang ilang mga mag aaral at komunidad sa Brgy. Labinab, Cauayan City, Isabela.
Kasabay ito ng kanilang isinagawang Tree Planting, Feeding Program at ang pagbibigay ng libreng livelihood program sa may 28 na kababaihan sa nasabing barangay.
Sa naging panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay P/Staff Sergeant Dominador Serquin ang pinuno ng grupong Charlie Company, nagsagawa rin sila ng ilang lecture patungkol sa Violence Against Women and Children at ilang pagsasanay sa ilang mga barangay police sa pagresponde sakaling magkaroon ng di inaasahang insidente.
Dagdag pa ni Sergeant Serquin na ito ay taun-taong ginagawa ng kanilang pamunuan upang matulungan ang bawat komunidad na nagsimula pa noong taong 2013 hanggang sa kasalukuyan.
Nagpamigay din ang kanilang pamunuan ng may kabuuang 153 na school supplies sa mga mag aaral mula sa Kindergarten hanggang Grade 3 maging ang isang Flat-Screen TV para sa karagdagang tulong sa mga mag aaral.
Kabilang ang ilang grupong Alpha Company at Bravo sa pagtulong naman sa Barangay Buena Suerte at Culalabat sa nasabing lungsod.
Nakiisa rin ang Barangay Labinab sa pagtulong sa mga kapulisan mula sa tanggapan ni SK Chairman Jayson Purificacion.