Police training, inirekomenda ng isang kongresista na paigtingin pa

Hiniling ni Committee on Strategic Intelligence Chairman at Surigao Del Sur Representative Johnny Pimentel na paigtingin pa ang police training sa hanay ng Philippine National Police (PNP) upang maiwasan ang “gunfight” o “deadly misencounter.”

Ayon kay Pimentel, kailangang maitaas ang pagsasanay ng mga pulis upang maiwasan o mabawasan ang “trigger-happiness” o biglang paggamit ng armas laban sa mga target o kalaban tuwing may operasyon.

Nais ng kongresista na makapagsanay ang mga police units sa pagharap sa mga operasyon na hindi kinakailangan ang agad na pagpapaputok ng baril para lamang makuha ang target na para sa mambabatas ay maituturing na isang “flawless operation.”


Tinukoy ni Pimentel ang mga pinakahuling insidente na kung saan marami sa mga police officer ang bayolente at matindi ang reaksyon na nauuwi sa barilan, kahit pa ang mga ito hindi naman na-provoke o ginalit para magpaputok ng baril.

Hinikayat din ng mambabatas ang PNP at iba pang law enforcement agencies na suriing muli at pagibayuhin ang “rules of engagement” upang maiwasang mangyari ang mga “friendly fire incidents”.

Ilan sa mga tinukoy na insidente ng kongresista ang pagpatay kay Calbayog City Mayor Ronald Aquino, ang misencounter sa pagitan ng PNP at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), ang pagpaslang ng mga police officer sa mga Ary intelligence officers sa may Jolo, Sulu at ang pagpaslang ng pulis din kay retired Army Corporal Winston Ragos na isang post-traumatic stress disorder (PTSD) patient sa kasagsagan ng mahigpit na lockdown noong nakaraang taon.

Facebook Comments